Friday, February 18, 2011

Kalayaan Sa Pagpapahayag Ang Karapatan At Ang Responsibilidad


Tungkulin ng mga peryodista at brodkaster na paglingkuran ang ating mga kababayan sa pamamagitan ng paghahatid ng makatotohanang balita at patas na impormasyon. Ito ang pangunahing papel ng media sa isang demokratikong bansa: ang maging mapagmatyag sa lahat ng pangyayari sa ating lipunan.
Matatandaang sa isang artikulong inilabas ng Time magazine hinggil sa kalagayan ng mga mediamen sa ating bansa, iniulat na ang bansang Pilipinas ay pangalawa na sa Iraq sa mga pinakamapanganib na bansa para sa mga peryodista sa buong mundo.
Tinatayang mahigit sa limampung peryodista na ang pinatay sa ilalim ng rehimeng Arroyo — bagay na nakababahala at lantarang panggigipit sa malayang pamamahayag sa bansa. Si Hernani Pastolero, isang local newspaper editor na nakabase sa Sultan Kudarat, ang kauna-unahang manunulat na pinatay ngayong 2007 dahil sa pagtupad sa kaniyang tungkulin.
Minsan pang pinatunayan ng administrasyong Arroyo ang pagyurak sa kalayaan sa pamamahayag nang damputin at posasan ang ilang mamamahayag na nagkober sa pag-aaklas sa Manila Peninsula Hotel sa pangunguna nina Senador Antonio Trillanes IV, Brig. Gen. Danilo Lim at ilang sundalong Magdalo.
Kung sabagay, hindi naman dadamputin ang mga kasama naming peryodista kung walang basbas galing sa matataas na opisyal. Si Director Geary Barias ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nag-utos na bitbitin ang lahat ng mediamen na kasama nina Sen. Trillanes sa loob ng hotel dahil sa ulat na ilang Magdalo members ang nagpanggap na mediamen para makapuslit sa barikada ng pulisya. Si Senior Supt. Asher Dolina ng Criminal Investigation and Detection Group-NCR Office naman ang nag-utos na posasan ang mga reporter bago ilabas ng hotel at isakay ng bus patungong Bicutan para isailalim sa interogasyon. At hindi rin gagawa ng aksyon ang mga opisyal ng PNP na damputin ang mga mediamen kung walang pahintulot galing naman sa MalacaƱang.
Nakababahala ang ganitong senaryo, na pati ang mga peryodista’y sinasadkaan ng gobyerno ni Pangulong Arroyo sa pagtupad ng tungkulin. Lalo pang naging tensyonado nang oras na iyon (Nobyembre 29, 2007) nang magdeklara si Department of Interior and Local Government Sec. Rolando Puno ng curfew mula ika-12 ng hating gabi hanggang ikalima ng umaga. Ngayon lamang ito mulinh nangyari matapos ang panahon ng Martial Law ni dating pangulong Marcos. Kaya’t ang tanong ng iba, batas militar na ba ang pinapairal ni Ginang Arroyo?
Magugunitang karamihan sa mga kinumpiskang gamit at dinampot na mga mamamahayag ay mga kasama nina Senador Trillanes Brig. Gen. Lim sa ikalawang palapag ng Manila Peninsula Hotel.
Ano kaya ang pananaw ng MalacaƱang?
Na ang lahat ng mga mamamahayag na sumama kina Trillanes, Lim at Guingona sa loob ng hotel ay kalaban ng administrasyon at sumusuporta sa panawagan nilang pagbabago sa gobyerno?
Ngunit alam naman ng lahat na ang layunin lamang ng mga taga-media na sumama sa mga Magdalo soldiers ay upang maiparating sa publiko ang tunay na kaganapan sa nasabing pag-aaklas laban sa administrasyong Arroyo.
Bagama’t humingi na ng paumanhin ang Palasyo sa mga peryodista, pinangangambahan pa rin na may posibilidad na maaari muling mangyari ang paninikil sa kalayaan sa pamamahayag kaya’t hindi dapat magsawalang bahala. Kailangang bantayan ang soberanya at kondenahin ang pamahalaang Arroyo sa pambababoy sa Konstitusyon.
Dapat maintindihan ni Pangulong Arroyo sa kasalukuyang takbo ng panahon sa ating bansa na kinakailangang gumalaw nang ang media nang malaya mula sa panghihimasok ng estado.
Tiyak na mamamatay ang demokrasya kung magkakasundo ang estado at media sa ngayon dahil kung mangyayari iyon sino pa ang babatikos at pupuna sa mga katiwalian sa gobyerno?
Halos mahalagang bahagi ng mga balita sa mga pahayagan, telebisyon at radyo ay laging mayroong katiwaliang napapabalita sa hanay ng mga corrupt na politiko (hindi ko naman nilalahat) na ang hangad ay pakinabang pangsarili. Sa kabila ng mga pambabatikos ng mga kasamahan naming peryodista, tuloy pa rin ang mga matatakaw sa salapi na nasa gobyerno sa pagwaldas ng kaban ng bayan na pinagpapaguran ni Juan dela Cruz at napupunta lamang sa bulsa ng mga ganid sa kapangyarihan at kuwarta.
Ano pa kaya ang mangyayari kung wala na ang mga matatapang na peryodista at brodkaster na nagbubunyag ng mga kawalanghiyaan sa gobyerno?
Ang ideolohiya ng magkasalungat na prinsipyo ng media at estado na may kanikaniyang layunin ay hindi masama bagkus pa nga’y makakatulong sa ikabubuti ng bayan.

Unang Larawan:

No comments:

Post a Comment